batang alon / tumatawid / sa kalsada ng ulan
paikot-ikot sa kanal / di makita ang daan
walang mapa ang mundo / walang pipigil sa iyo
kundi ang sarili mo
hahampas ka na lang / sa pader na semento
kung saan iginuhit / mga pangalang / walang may-ari
bakas ang mga pangako / ng kahapon
pag-ibig na wagas / bigla na lang nagwakas
ikaw ang testigo / sa mga maruruming / kamay na humaplos
sa balat ng bato / umukit ng suntok /nagpalawa ng dugo
ilang beses ka na ring / nagpabalik-balik
sa daang walang marka / nakaw
ang mga pangarap / tangay ng baha
habang hinahabol / ng mga paang / lubog sa putikan
at galas ng aspalto
kailan ba naging malapit ang malayo?
matuto kang umuwi / sa iyong tahanan
walang tulay / na babagtasin
ang mundo ay malaya mong daanan
hayaan mo na ang mga patay / na magpalutang-lutang
lahat ay babalik sa kanilang pinanggalingan
at tatangapin ka / ng inang dagat / ng may pagbubunyi
batang alon / nakabalik ka nang muli
Leave a Reply